Saturday, January 29, 2011

ISYU NGAYON: JANUARY 22, 2011

TUBO

Ang Tarlac ay isa sa mga lalawigan na kilala dahil sa malawak na industriya ng agrikultura. Dito kasi matatagpuan ang ekta-ektaryang pananim ng mga palay at tubo. Ito na rin ang nagiging hanapbuhay ng ating mga kapusong Tarlakenyo. Nilibot ng tropa ng iSYU NGAYON ang Tarlac City upang alamin ang kahalagahan ng kanilang pangunahing produktong tubo. Aalamin din ng tropa ang proseso ng paggawa ng asukal pati na rin ang paggawa ng isa sa mga kakaning kakaiba ngunit sikat at binabalik-balikan ng mga turista, ang Kapit. Siyempre ipapasulyap ng tropa ang kasalukuyang pagdiriwang ng Balik-Sigla Festival ng mga Tarlakenyo.

BARANGAY

Sa dinami-dami ng mga nakakatuwang pangalan ng mga barangay sa ating lalawigan, mga kwento sa likod nito ang hindi natin nalalaman. Tunay nga bang may koneksyon ang kanilang mga naging pangalan sa kung anong yaman mayroon ang kanilang barangay. Dalawa rito ang Barangay Sanlibo at Barangay Katuray sa bayan ng Bayambang. Sa Barangay Sanlibo, pinakamayamang barangay umano ito dahil sa kanilang mga isanlibong pera habang sa Barangay Katuray naman, punong-puno naman ng mga halamang katuray ang nakaplibot rito dala ang sangkatutak na sustansya mayroon ang katuray para sa kalusugan ng tao.

KANSER

Tunay ngang mapaglaro ang panahon. Ang mga biyaya at pagpapala dumarating sa takdang oras, pati ang mga pagsubok tulad ng pagkakaroon ng sakit, lumilitaw sa hindi inaasahang araw. Ngayong National Cancer Consciousness Week, dalawang talambuhay ang ibabahagi ng iSYU NGAYON. Kwento na puno ng pag-asa ng dalawang biktima ng kanser. Dito ating malalaman ang tunay na kahalagahan ng bawat oras pati na ang makabagong paraan sa paggamot ng kanser gamit ang radiation at multi-disciplinary treatment na una dito sa Northern Luzon.

EXTREME LIBANGAN

Makapigil hiningang libangan ng mga kabataang Pinoy ang ating tutunghayan sa Sabado. Mapa-lalake man o babae, bulingit, dalaga at binata, bida sa mga larong ito. Nariyan ang airsoft na bakbakan ang eksena, ang panandaliang paglipad sa ere sa sport na skateboarding at ang malikot na galaw ng mga daliri sa larong fingerboarding. Masugat man o madisgrasya, wala umanong makapagpapapigil sa kanilang pagiging mapusok sa larong kanilang pinasok dahil sinisimbolo lang daw nito ang katapangang taglay nila. Ito rin ang hinayag nilang bumubuo sa kanilang pagkatao at hindi daw nila ito ipagpapalit kahit sa siyota pa.

ISYU NGAYON: January 15 Episode

FOOD TRIP

Mula sa iba’t-ibang bansa, iba’t-ibang klase ng pagkain din ang ating lalasahan. Kung andiyan ang pagkaing Pinoy, hindi rin papahuli ang mga Chinese, Korean, Mexican, American, Japanese at Arabian food sa mga restaurant sa lungsod ng Dagupan. Sa pagdagsa ng mga Asian and Western cuisines sa ating bansa, di kaya nalilimot na natin ang mga pagkaing sariling atin? Kung panlasa naman ng Pinoy ang tatanungin, alin kaya sa mga putaheng ito ang lubos nating tatangkilikin?

TIMBANG

Pagkatapos ng pagsasalo-salo natin ng noche buena at medya noche, malaking problema ngayon ng ilan nating kapuso ang magbawas ng timbang o magpapayat. Sa mga ganitong suliranin, ano naman kaya ang pinaka-mainam at wastong paraan ng pagbabawas ng timbang o pagpapapayat? Ibabahagi ng Isyu Ngayon ang ilan sa mga paraan upang mas maging maganda ang hubog ng iyong pangangatawan. Tamang exercise at pag-gym, disiplina sa sarili, at ang mga makabagong paraan ng pagpapapayat, effective kaya?

FROST

Peak season ang buwan ng Enero at Pebrero sa pagbaba ng temperatura. Mas ramdam ito sa mga matataas na lugar, tulad sa kabundukan ng Kordilyera. Dahil sa pagbaba ng temperature, may ilang mga taniman ng gulay na tinamaan ng yelo (frost) o “andap” kung tawagin ng mga Cordilleran. Kung patuloy na magyeyelo, maaaring maapektuhan ang produksyon ng gulay, na inihahatid sa iba’t ibang lugar, tulad sa Kamaynilaan. Sa Isyung ito, aalamin kung gaano kalawak ang epekto ng frostbite, at kung may badya ng kakulangan sa produksyon ng gulay, gayundin ang presyo.

MILAGRO AT AGIMAT

Paniniwalang may kinalaman naman sa agimat at milagro ang pumukaw sa atensyon ng iSYU NGAYON. Iba’t-ibang istorya ng kapangyarihan mula sa bagay na di umano’y may taglay na mahika upang protektahan ang sinumang mabigyan nito. Debosyon kay Madre Dela Eucaristia naman ang isa pang siniyasat ni Vianca Sison sa kanyang paglalakbay. Milagro daw ang hatid nito sa sinumang sumampalataya. At bukod sa pagmimilagro nito, sa mga talulod ng bulaklak daw niya ipinaparating ang mensahe sa sanlibutan.

Wednesday, January 12, 2011

Isyu 2011: Fashion, Negosyo, Hos'patay'

FASHION 2011

Tinalakay sa pagpasok ng bagong taon ang mga paraan ng pagpapaganda at paghubog sa malikhaing isip sa mundo ng fashion. Bukod sa mga makukulay at kakaibang style na damit, inalam din ng Isyu Ngayon ang tamang paraan ng paglalagay ng make-up, gayundin ang nababagay na damit base sa personalidad.


NEGOSYO

Laking tuwa ng sinaunang tao ang pagkadiskubre sa apoy. Bukod kasi sa kahalagan ng apoy sa pagluluto, mahalaga rin ito sa pagkakaroon ng liwanag at pagpapainit tuwing taglamig. Pati rin pala sa negosyo, puhunan na rin ang apoy. Ang mga nagtagumpay sa negosyong may kinalaman ang apoy, ibinida rin!


HOS'patay'

Ang kwento ng mag-asawang Santiago at Medita mula sa Sual, Pangasinan ang nagbukas sa Isyu Ngayon upang siyasatin ang mga usaping etikal na kinasasangkutan ng mga ospital. Dahil daw sa pagtanggi at kapabayaan ng dalawang ospital, hindi naagapan ang hiwa sa ulo na tinamo ng anak na si Renie dahil sa pamamalakol ng isang ex-convict. Nasawi si Renie. Pero inalam rin ng Isyu Ngayon kung ano ang mga prinsipyong pinaiiral ng mga ospital, pampubliko man o pribado, sa paggamot at pagsagip sa buhay ng tao.

Sunday, January 9, 2011

ISYU noong 2010

Isang maligaya at mapagpalang bagong taon mga kapuso!

Balikan natin ang mga isyung nagbukas sa inyong mga mata sa katotohanan tuwing sabado ng umaga.

Mainit ang naging pagtanggap ng ating mga kapuso sa bagong programa ng GMA TV10 – ang Isyu Ngayon North and Central Luzon.

Nagpakilala ang inyong mga bagong tour guide sa Isyun Ngayon na sina Katrina Aquino, Vianca Sison, at ang inyo pong lingkod.

Sa loob ng mahigit dalawang buwan, samu’t saring mga kwento ng tao, lugar, pagkain at pangyayari ang inihatid namin tuwing sabado ng umaga.

Mahigit sampung mga isyung napapanahon at makabuluhan ang pumailanlang din sa ere.

At ngayong bagong taon, atin itong babalikan, at aalamin nating kung ang mga isyung ito noon, magiging isyu pa rin ngayon.

BAGYONG JUAN

Sinasabing isa sa pinakamalakas na bagyong naranasan ng bansa ang bagyong Juan sa nakalipas na dalwang dekada.

Maraming mga nasirang ari-arian, pananim, maging buhay.

Kahit nga hindi nagpakawala ng tubig ang San Roque dam, binaha pa rin ang lungsod ng Dagupan.



Ayon kay Prof. Nick Melecio, isa na umanong natural phenomenom ang pagbaha sa lungsod na isang catch basin area.

Medyo napanghinaan ako ng pag-asa sa tinuran niya kaugnay sa kalagayan ng lungsod.

Tuwing may malalakas daw na bagyo o matagalang pag-ulan, asahan na raw na babahain ang Dagupan, lalo na ang mga mababang lugar.

Pero tulad niya, naniniwala ako na may magagawa ang gobyerno, ang komunidad, ang lahat ng tao.

Yung mga simpleng pagtapon ng kalat sa tamang basurahan, paglinis sa mga estero’t kanal, at daluyan ng mga ilog, malaki ang magagawa nito.

STATE OF CALAMITY

Sa pamamagitan ng deklarasyon ng state of calamity, maaaring galawin ng probinsya ang limang porsyento ng kanyang Internal Revenue Allotment o IRA para sa calamity fund.

Mula sa mahigit 1.7 billion pesos na ira nito, may mahigit 90 million pesos na calamity fund ang maaaring gamitin para maibsan ang epekto ng supertyphoon Juan.

Ang mga bagyong gaya ni Typhoon Juan, sumusubok din sa katatagan ng mga tao.

Pero dito rin masusubukan, kung ang mga tulong na dapat laan sa mga biktima, at mga proyektong dapat ipatupad, nagagamit ng tama.

Sa pamamagitan ng deklarasyon ng state of calamity, maaaring galawin ng probinsya ang limang porsyento ng kanyang Internal Revenue Allotment o IRA para sa calamity fund.

Mula sa mahigit 1.7 billion pesos na ira nito, may mahigit 90 million pesos na calamity fund ang maaaring gamitin para maibsan ang epekto ng supertyphoon Juan.

Ang mga bagyong gaya ni Typhoon Juan, sumusubok din sa katatagan ng mga tao.

Pero dito rin masusubukan, kung ang mga tulong na dapat laan sa mga biktima, at mga proyektong dapat ipatupad, nagagamit ng tama.

BARANGAY AT SK ELECTIONS

Sa kabila ng isyu ng pagpapaliban ng barangay eleksyon, at pagbuwag naman sa sangguniang kabataan, natuloy pa rin ang eleksyon noong october 25.

Hindi natinag ang mga Pilipinong makiisa sa pagboto.

Nasaksihan ko rin ang pagboto ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang presinto sa Central Azucarera de Tarlac sa Hacienda Luisita.



Aniya, lahat ng tagumpay ng mga pambansang programa, nakasalalay sa kung gaano ka-epektibo ang mga pinuno sa barangay level.

Tama si P-NOY sa puntong ito.

Magandang isipin na kaya’t maraming tumatakbo sa pulitika, kahit sa barangay at SK level, dahil nais nilang simulan ang pagbabago sa mismong komunidad.

Nakakadismaya lang ang mga patayan dahil lang sa simpleng posisyon sa pulitika..

Hamon talaga para sa sangguniang kabataan o sk na patunayan nilang hindi lang sila palamuti sa barangay.



Ayon kay board member Von Mark Mendoza na naging dating presidente ng SK Federation sa Pangasinan:

“Ang nangyayari nagiging palamuti na lang ung bata. May sk chairman, may sk treasurer. So ang sabi namin, bakit hindi natin bigyan ng kapangyarihan ung sk chairman at sk treasurer na hawakan nila ung pondo, para sa ganun, hindi sila beholden, sa kanilang barangay captain, o sa kanilang barangay.”

Ito naman ang payo ni assistant regional director ng Comelec-Region I, Atty. Reddy Balarbar sa mga SK official:

Huwag niyong hayaan na diktahan kayo ng mga matatanda. Remember, naupo kayo dian para pagsilbihan ung katipunan ng kabataan, hindi pagsilbihan ung interes ng mga matatanda.”

ABUSO SA NARS

Isa sa pinaka-maselang isyung aking tinutukan ang confession ng mga “naaabusong” nurse.
  
May isang grupo kasi ng mga nurse mula sa isang eskwelahan ang lumapit sa GMA.

Inireklamo nila ang umano’y paglabag sa kanilang karapatan ng mga seminar na pinahintulan ng kanilang paaralan.

Pakiramdam kasi nila, naaabuso ang karapatan nila kapag pinaghuhubad sila at nalalantad ang kanilang mga dibdib para isagawa ang isang breast examination.



Ayon kay Carla, hindi tunay  na pangalan:

Ang pinakamasakit dito, ginawa siya sa amin against our will. Psychologically, habang ginawgawa mo yun the intention on the part of the trainer is good, pero kami, hindi ganun nung pakiramdam naming.”

Simple lang naman ang pangarap ng mga nursing student, ang makatapos, at makatulong sa kanilang mahal sa buhay.

Ako naniniwala na isang napaka-marangal na propesyon ang nursing.

Patuloy na magiging isyu ang pagtakda ng batas na mangangalaga sa karapatan hindi lang ng mga nurse kundi lahat ng nagbibigay ng serbisyo medikal.

Buhay kasi ang nakataya – kalusugan ng tao…

At dapat siyasatin rin ng mga paaralan ang kanilang layunin - ang makapaghatid ng de-kalidad na edukasyon, mas mataas sa hangaring makalikom ng yaman.

KONTROBERSIYA SA ISANGDAANG ISLA

Napaka-kontrobersyal ng isyu ng umano’y pagkakaroon ng fish pond sa loob daw ng Hundred Islands National Park.

Sumabog ang isyung ito sa isang prescon. Sabi kasi ng Task Force Kalikasan, may mga illegal structure o fish pond sa Hundred Islands National Park.

Ang sabi ng Alaminos city government, wala daw.

Hindi raw kasali sa Hundred Islands ang mga fishpond na sakop ng bolo development cooperative o bolodeco.

Pero pinangatawan ng provincial government ang kanilang pasabog.

Kinwestiyon naman nila ang pag-i-isyu ng CLOA sa bolodeco, gayong bawal daw un sa isang national park at protected area tulad ng hundred islands.



Malinaw sa akin na may mga nag-uumpugang pwersa talaga sa isyung ito.

Maaaring may kinalaman sa pulitika…

Pero ang pangit isipin, na dahil sa iringan, siraan, o pataasan ng ihi ng bawat kampo,

Nasisira ang imahe hindi lang ng pamosong Hundred Islands National Park, Kundi ang reputasyon ng buong probinsya ng pangasinan.

Sa ngayon, hintayin natin ang sinasabing pag-iimbestiga ng kongreso sa isyung ito.

Hintayin din natin kung ang kanselasyon ng CLOA ng bolodeco ang magiging solusyon na nasa kamay daw ng DARAB o Department of Agrarian Reform Adjudication Board.

Baka malinawan ang lahat…

Pero habang naghihintay, mas mainam na kumilos lahat para pangalagaan at protektahan ang lahat ng biyayang bigay ng kalikasan. 

PULUBI

Espesyal ang mga napag-usapang isyu pagpasok ng buwan ng disyembre - Isyung pampasko…

Nariyan ung mga batang pulubi…

Nakita ko mismo kung paano nabago ang konsepto ng isang pulubi...

Dati nanlilimos lang.

Ngayon, mas mapusok na sila.

Kung hindi sila napagbigyan ng mga hinihingan nila, inaagaw nila ung pagkain.



Pero ang masaklap, alam ng magulang ng bata ang ginagawang panlilimos nito, at hinayaan lan niya.

Hindi ko matanggap ang katwiran ng magulang, na dahil daw ganun sila kahirap, ayos lang na hayaan niyang magpalimos ang bata…

Kahit maaaring malagay sa peligro ang buhay nito.

Sana huwag silang mawalan ng pag-asa.

Kasi mas mahirap ang isang tao, kung pati pag-asa sa buhay, mawawala.

Nakilala ko rin ang isang inang akay-akay ang anak habang nanlilimos…

Nakakalungkot na may halong awa…

Ito yung naramdaman ko nung kinakausap ko siya,

Paano ang magiging kinabukasan ng anak niya kung panlilimos lang ang hanapbuhay niya?

Lagi na lang ba sila sa kalye matutulog?

May obligasyon ba ang estado sa kanilang sitwasyon?

Marami pa rin akong tanong na hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam ang sagot. 

MODUS OPERANDI

Napapanahon ang ibunyag ang mga modus o paraan ng mga kriminal para hindi maging biktima ng holiday season.

Layon ng isyung ito na bigyang babala ang publiko sa modus ng mga kriminal…

Ang iba’t ibang klase kasi ng mga modus, gamay at nagawa na yan ng mga masasamang loob…



Mabibigyang babala at kaalaman ang publiko, na hindi maging wais sa pamimili, kundi magin alerto rin.

BUHAY BUMBERO

Maalab at madamdamin.

Ganito ko mailalarawan ang isyu patungkol sa kakulangan ng gamit ng mga bumbero sa pangkalahatan…

Maalab, dahil sa kabila ng nakakapasong alab at nakakamatay na usok ng sunog, ang mga bumbero, sugud nang sugod.

Kahit aminadong kulang ng gamit, bumbero, firetruck, marami pa ring tapat at matapang sa sinumpaang tungkulin…



Madamdamin dahil binuksan ni ginang Milagros Cariño ang realidad ng pagiging isang bumbero.

Maybahay siya ng nasawing bumberong si SFO4 Jose Cariño Sr., nang nasunog ang munisipyo ng Calasiao.

Sobrang nakakaantig ng damdamin ang pinagdaanang hirap ni SFO4 Cariño, ganundin kung paano lagpasan ito ng buong pamilya ni ginang Milagros.
                            
Dito ko natutunan ang pagiging tapat at matapang sa anumang sinumpaang tungkulin. 

PASKO NG MGA KATUTUBONG AETA SA CAPAS, TARLAC

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko kung paano magdiwang ng pasko ang ilan sa mga katutubong Aeta sa Capas, Tarlac.

Isang community celebration kung paano nila ito ipagdiwang…

Dahil niyakap ng karamihan ang pagiging Kristiyano, meron na rin silang bersyon ng simbang gabi at mga Christmas song.

Pero hindi naman daw lahat ng kanilang tradisyon, nawala…



Plano ng isang pastor na i-integrate ang kanilang katutubong seremonya sa pagsamba nila kay Hesu-Kristo.

Pero kahit may paskong ipinagdiriwang, hindi natabunan ang kanilang minimithing kahilingan – magkaroon na sila ng titulo ng lupa.

Ayon kay Gilbert Cuero ng NCIP-Tarlac:

“Magulo eh, ancestral domain siya pero military reservation. I think it’s about time na siguro na pagtuunan ng pansin ng gobyerno natin na ayusin ito.”

Sabi ni Pastor Elmer Victoria, isang katutubong pastor:

“Ang katutubo nabubuhay talaga sa lupa. Kung ide-detach mo siya, kung ilalayo mo talaga siya sa lupa, maraming mga katutubo ang namamatay.”

MALIGAYANG BAGONG TAON

Mga kapuso, sa dalawang buwan pa lang nating pagsasama tuwing Sabado ng umaga, nawa’y nabuksan ang inyong mga mata sa mga Isyu Ngayon.

At sa pagpasok ng bagong taon, asahan ninyong mas magiging maaksyon, mapusok at makabuluhan ang bawat isyung inyong aabangan tuwing sabado ng umaga. 

(Alfie Tulagan, host, ISYU NGAYON)