Wednesday, March 2, 2011

March 5 Episode: Tag-init, Bandalismo, Plastik Kid at Child Labor, "HOT" Cars, "Maniniyot" (Lomography)

Summer Fever

Ngayong nararamdaman na ang tag-init, uso nanaman ang iba’t-ibang outdoor activities na tiyak hindi natin palalampasin. Kaya naman, sa episode ng Isyu Ngayon, aalamin ang mga sakit na maaring makuha dahil sa sikat ng araw gayundin ang epekto nito sa ating katawan. Malalaman din ang simple ngunit epektibong paraan upang mapangalagaan ang balat ngayong tag-init.

Graffiti

Ang mga kalye, hindi lamang raw daanan ng mga tao at mga sasakyan dahil nagsisilbi rin itong freedom wall ng mga Street Artist. Sa kalye ng Katipunan sa lungsod ng Baguio, nagtipun-tipon ang mga Street Artist upang isalarawan ang buhay ng Pinoy sa isang Graffiti artwork. Ngunit may ilan sa mga residente doon, hindi raw itinuturing na “art” ang kanilang gawa kaya naman binansagan silang mga “taga-bandal” ng lugar. Sa episode na ito, ating alamin ang klase ng “sining” na kanilang ipinagmamalaki at atin ding talakayin ang isyu ng Bandalismo.





PLASTIK

Isang workshop naman na nilahukan ng mga batang nagtitinda ng plastik sa palengke ng Baguio ang nasaksihan ng iSYU NGAYON. Dito, tinuruan ang mga bata na gumawa ng obra gamit ang mga plastik na kanilang ibinebenta. Kasabay nito, tinutukan din ng iSYU ang pagtaas ng bilang ng mga child laborer sa bansa partikular ang bilang ng mga “plastic kids” sa Baguio. Tinalakay ang batas ukol sa child labor na hindi umano mahigpit na naipapatupad.

HOT CARS

Naging malaking usapan sa Pangasinan ang tinaguriang “Hot Cars” ng mga Board Member ng lalawigan matapos maipalabas sa Balitang Amianan. Sa episode na ito, hinimay at tinutukan ang mga dahilan ng pag-iisyu sa mga Bokal ng tig-iisang Ford Everest na ngayo’y inuulan ng sari-saring kumento.

“MANINIYOT”

Atin ding kilalanin ang mga litratista ng Baguio na kilala sa tawag na “Maniniyot” o “Maninilip.” Sila ang tinaguriang “legends” sa larangan ng photography dahil hanggang ngayon, kahit usong-uso na ang digital photography at pag-lilitrato sa mga cellphone, kanila pa ring isinusulong ang paggamit ng film sa paglilitrato. Bukod sa paggamit ng film, cellphone at digicams, isang larangan naman sa paglilitrato ang muling nabubuhay na atin ding alalamin – ang Lomography.

February 26 Episode: ISYU ng Sining, Kultura, Cavalier Integrity, Azkals

"Pinagtagpi-tagping Obra"

Kakaibang “people power” ang isinagawa ng ilang kabataan sa Cordillera sa pamamagitan ng sining. Isang tent mula sa pinagtagpi-tagping ukay-ukay ang kanilang nagawa upang gawing silungan at art exhibit area sa pagdiriwang ng Panagbenga ang kanilang nagawa. Dahil sa pagkakaisa ng mahigit sampung young artists, nabuo ang tent na may taas na 24 feet at lawak na 40 feet na kasalukuyang dinarayo sa Burnham Park.

“BULAG NA SINING”

Mula sa Ratan naman ang sining na ibinahagi ng isang bulag kay Katrina Aquino. Sa pamamagitan ng paghahabi ng Ratan, hindi naging hadlang kay Roherio Ginagoy ang kanyang kapansanan upang likhain ang naglalakihang buloy na tiyak hahangaan ng sinuman. Nagagawa niya ang mga obrang ito sa pagkapa at paggamit ng tinagurian niyang “baboy” o brace na gawa sa kahoy. Bukod sa sining na kanyang nagagawa, pinagkakaitaan din niya ito. Katunayan, ang ilan sa kanyang mga gawa, foreigner ang bumibili. Kasabay nito, tinalakay ni Katrina ang Isyu kung bakit mas nakikilala ang galing ng Pinoy sa ibang bansa na madalang mangyari dito sa atin.




Sining at Kultura

Isang mala-GLEE na pagtatanghal naman ang isinagawa ng mga estudyante at guro sa UP Baguio kung saan tampok ang paksa sa pagkilala ng ating sariling kultura. At sa pagdiriwang ng Ibaloi Day noong miyerkules, isang resolusyon ang ipinasa ng kanilang tribo upang kilalanin ng gobyerno ang kanilang pagkakakilanlan. Ngunit sa akademikong perspektibo ng isang propesor, maiging huwag na lang ipakilala ng gobyerno ang isang kultura dahil hindi naman daw ito basihan ng pagkakakilanlan. Ito ang isyung tinutukan ni Vianca Sison.

Kabalyero

Kasabay ng Alumni Homecoming ng Philippine Military Academy, isang masusing pagtalakay naman patungkol sa sari-saring isyung kinasasangkutan ng ilang alumni ng akademya ang tinalakay ni Alfie Tulagan. Mula sa isyu ng katiwalian at moralidad sa akademya, inalam ng buong pwersa ng iSYU NGAYON kung tumatalima pa rin ang mga kabalyero sa kanilang ipinagmamalaking katangian: Loyal, Courage at Integrity.

“AZKALS”

Binantayan din ng iSYU NGAYON ang high-altitude training ng ating pambato sa larong football- ang TEAM AZKALS. Sa aming pagtutok sa kanilang ensayo, tinalakay rin ang isyu sa pinansyal na pangangailangan ng mga Pilipinong atleta at kung ano na nga ba estado ng ating kupunan sa larangan ng Sport.


February 19 Episode: iSYU ng Sining, Kultura at Sports

Backward Running

Sa Bayan ng Lingayen, Pangasinan, isang kakaibang libangan ang kinahihiligan ng Kapuso nating si Joel Bigay. Imbes na marathon, ang sport na backward running ang kanyang napagtuunan ng pansin. Sa katunayan, balak nitong alpasan ang title holder ng fastest and longest backward runner na naitala sa Guinness Book of World Records.

Hymn

Mula sa orihinal na pagtugtog ng Panagbenga hymn gamit ang metallic instruments, ipinanukala na ngayong Panagbenga 2011 na tugtugtugin na lamang ito gamit ang mga Cordilleran musical instruments. At upang maging pamilyar sa mga instrumento, binisita ng iSYU NGAYON ang Saint Louise University Museum upang malaman ang sari-saring uri at kung paano ito pinapatunog.

Isyu ng Komersyalismo, Identitad at Equitable Benefits ng Panagbenga

Isyu naman patungkol sa komersiyalismong aspeto ng Panagbenga ang sinaliksik ni Alfie Tulagan. Napag-alaman na commercialized na ang selebrasyon ayon sa Dean ng College of Social Science ng UP Baguio. Natural din lamang sa isang pagdiriwang na ma-commercialize ito para kumita. Ngunit hindi sa puntong malalagay ang kultura at identidad ng Cordillera sa alanganin.

Paghahanda sa Panagbenga

Para sa mga gustong makisaya sa Panagbenga, ibabahagi rin ng iSYU ang iba’t-ibang paghahanda sa pagdagsa dito. Dahil kadalasang dinarayo ng libu-libong turista ang Baguio sa ganitong panahon, muling paalala ng otoridad at mga health volunteers ang iisa-isahin ng tropa. Pati traffic re-routing ng lungsod sa pamosong pagdiriwang, ating malalaman.

Friday, February 11, 2011

FEBRUARY 12 EPISODE: USAPANG PUSO

GULAY, PAMPAHABA NG BUHAY

Sa dinami-dami ng mga masasarap na pagkain ngayon, may ilan pa rin sa ating mga kapuso ang nagsusulong ng pagkain ng gulay. At para mapunan naman ang lasang hinahanap ng ilan, karneng tinatawag na veggie meat ang kanilang ginagawang sahog sa kanilang mga putahe.

Kung may taong vegetarian, shindi papahuli ang ating mga alagang hayop na nagsimula na ring maging vegetarians... Tulad na lamang ng mga baboy, manok at gansa, kuneho, talbos ng kamote ang kanilang paborito! Ayon sa tagapag-alaga ng mga ito, ni-minsan hindi naranasan ng kanilang mga alaga ang kumain ng feeds.

VALENTINE

Hindi pa rin natatapos ang pagbibigay ng regalo dahil ngayong pebrero, tuloy-tuloy pa rin ang pagbibigayan. Bukod sa bulaklak, stuff toy, balloons at iba pang gimik, tuturuan tayo ni vianca sison sa paggawa ng personalized chocolates kasama ang ating kapusong si ivy andrada na mahilig sa paggawa ng pastries.

NBSB AT OPPOSITE ATTRACTS

Kakaibang kwento naman ng pag-ibig ang nalaman ni katrina aquino kung saan napatunayan niya na opposites do really attract. Bukod pa diyan, nakilala din niya si lola estrella na tinaguriang “no boy friend since birth.” Dito, ibabahagi ni katrina ang dalawang kwento na tiyak kapupulutan ng aral patungkol sa pag-ibig.

PAG-IBIG O PAKIKI-APID?

Isang kumplikadong pag-ibig naman ng isang lalaki at dalawang babae na nakatira sa isang bahay ang nakadaupang palad ng tropa ng Isyu Ngayon. Pag-ibig na sa mata ng simbahan, isang kasalanan. Maging sa isyung moralidad, hindi rin tanggap ng karamihan. Hanggang kailan magtitiis ang tatlong pusong tila nanlilimos ng bawal na pag-ibig?

Friday, February 4, 2011

ISYU NGAYON: February 5 Episode

KAPE

Paboritong inumin ng karamihan ang kape lalo ng mga matatanda. Sa La Trinidad, Benguet, matatagpuan ang coffee plantation ng Arabica Coffee na pinakamabango sa lahat ng klase ng kape. Alamin rin natin ang pinakamahal na kape sa buong mundo na mula sa mga civet cats o musang. At sa pagpasok ng modernong panahon, tikman naman natin ang iba-ibang bersyon ng kape sa lungsod ng Dagupan, mula sa pinakamatapang na kape hanggang sa paglasap din sa sarap ng malamig na kape tulad ng almond explosion at chocolate mint madness.

Ngunit sa patuloy na pagkahumaling sa pag-inom ng kape, mababatid sa episode na ito ang mga positibo at negatibong epekto nito sa ating kalusugan. Maliban dyan, ang kape, hindi lang pala iniinom, pwede na rin itong ipahid sa katawan bilang body scrub. Pinaniniwalaan itong nakakapagpaganda ng hubog ng katawan.

MACHETE

Isa lamang ang sining kung saan bihasa ang Pinoy. Kasabay ng pagdiriwang ng Buwan ng Sining ngayong Pebrero, isang mala-Macheteng episode ang ating tatalakayin kasama si Vianca Sison. Mula sa tradisyunal na istilo ng pag-uukit gamit ang kahoy, obra mula sa Styrofoam at Asin naman ang ibibida sa atin ng iba’t-ibang artists mula sa La Union at Pangasinan.

SURFING

Makisabay sa malalaking alon, mamangha sa ganda ng dagat at tunghayan ang galing ng Pinoy sa larangan ng surfing. Dahil napapanahon ito sa lakas ng alon sa karagatan, atin ring alamin ang mga basic steps sa pagsu-surf. Kikilalanin din ang batang surfer na pang-international ang galing at mamangha din sa isang may kapansanan ngunit kinahihiligan ang sport na surfing.

BUDGET

Dahil sa nakabinbin na usapin patungkol sa annual budget ng Dagupan City, isang pagtutok naman ang isinagawa ni Alfie Tulagan dito. Sa kanyang masusing pagtalakay sa isyu, malalaman ang mga dahilan ng pagkaantala ng nasabing budget na dapat ay naipasa na bago sumapit ang taong 2011.

Saturday, January 29, 2011

ISYU NGAYON: JANUARY 22, 2011

TUBO

Ang Tarlac ay isa sa mga lalawigan na kilala dahil sa malawak na industriya ng agrikultura. Dito kasi matatagpuan ang ekta-ektaryang pananim ng mga palay at tubo. Ito na rin ang nagiging hanapbuhay ng ating mga kapusong Tarlakenyo. Nilibot ng tropa ng iSYU NGAYON ang Tarlac City upang alamin ang kahalagahan ng kanilang pangunahing produktong tubo. Aalamin din ng tropa ang proseso ng paggawa ng asukal pati na rin ang paggawa ng isa sa mga kakaning kakaiba ngunit sikat at binabalik-balikan ng mga turista, ang Kapit. Siyempre ipapasulyap ng tropa ang kasalukuyang pagdiriwang ng Balik-Sigla Festival ng mga Tarlakenyo.

BARANGAY

Sa dinami-dami ng mga nakakatuwang pangalan ng mga barangay sa ating lalawigan, mga kwento sa likod nito ang hindi natin nalalaman. Tunay nga bang may koneksyon ang kanilang mga naging pangalan sa kung anong yaman mayroon ang kanilang barangay. Dalawa rito ang Barangay Sanlibo at Barangay Katuray sa bayan ng Bayambang. Sa Barangay Sanlibo, pinakamayamang barangay umano ito dahil sa kanilang mga isanlibong pera habang sa Barangay Katuray naman, punong-puno naman ng mga halamang katuray ang nakaplibot rito dala ang sangkatutak na sustansya mayroon ang katuray para sa kalusugan ng tao.

KANSER

Tunay ngang mapaglaro ang panahon. Ang mga biyaya at pagpapala dumarating sa takdang oras, pati ang mga pagsubok tulad ng pagkakaroon ng sakit, lumilitaw sa hindi inaasahang araw. Ngayong National Cancer Consciousness Week, dalawang talambuhay ang ibabahagi ng iSYU NGAYON. Kwento na puno ng pag-asa ng dalawang biktima ng kanser. Dito ating malalaman ang tunay na kahalagahan ng bawat oras pati na ang makabagong paraan sa paggamot ng kanser gamit ang radiation at multi-disciplinary treatment na una dito sa Northern Luzon.

EXTREME LIBANGAN

Makapigil hiningang libangan ng mga kabataang Pinoy ang ating tutunghayan sa Sabado. Mapa-lalake man o babae, bulingit, dalaga at binata, bida sa mga larong ito. Nariyan ang airsoft na bakbakan ang eksena, ang panandaliang paglipad sa ere sa sport na skateboarding at ang malikot na galaw ng mga daliri sa larong fingerboarding. Masugat man o madisgrasya, wala umanong makapagpapapigil sa kanilang pagiging mapusok sa larong kanilang pinasok dahil sinisimbolo lang daw nito ang katapangang taglay nila. Ito rin ang hinayag nilang bumubuo sa kanilang pagkatao at hindi daw nila ito ipagpapalit kahit sa siyota pa.

ISYU NGAYON: January 15 Episode

FOOD TRIP

Mula sa iba’t-ibang bansa, iba’t-ibang klase ng pagkain din ang ating lalasahan. Kung andiyan ang pagkaing Pinoy, hindi rin papahuli ang mga Chinese, Korean, Mexican, American, Japanese at Arabian food sa mga restaurant sa lungsod ng Dagupan. Sa pagdagsa ng mga Asian and Western cuisines sa ating bansa, di kaya nalilimot na natin ang mga pagkaing sariling atin? Kung panlasa naman ng Pinoy ang tatanungin, alin kaya sa mga putaheng ito ang lubos nating tatangkilikin?

TIMBANG

Pagkatapos ng pagsasalo-salo natin ng noche buena at medya noche, malaking problema ngayon ng ilan nating kapuso ang magbawas ng timbang o magpapayat. Sa mga ganitong suliranin, ano naman kaya ang pinaka-mainam at wastong paraan ng pagbabawas ng timbang o pagpapapayat? Ibabahagi ng Isyu Ngayon ang ilan sa mga paraan upang mas maging maganda ang hubog ng iyong pangangatawan. Tamang exercise at pag-gym, disiplina sa sarili, at ang mga makabagong paraan ng pagpapapayat, effective kaya?

FROST

Peak season ang buwan ng Enero at Pebrero sa pagbaba ng temperatura. Mas ramdam ito sa mga matataas na lugar, tulad sa kabundukan ng Kordilyera. Dahil sa pagbaba ng temperature, may ilang mga taniman ng gulay na tinamaan ng yelo (frost) o “andap” kung tawagin ng mga Cordilleran. Kung patuloy na magyeyelo, maaaring maapektuhan ang produksyon ng gulay, na inihahatid sa iba’t ibang lugar, tulad sa Kamaynilaan. Sa Isyung ito, aalamin kung gaano kalawak ang epekto ng frostbite, at kung may badya ng kakulangan sa produksyon ng gulay, gayundin ang presyo.

MILAGRO AT AGIMAT

Paniniwalang may kinalaman naman sa agimat at milagro ang pumukaw sa atensyon ng iSYU NGAYON. Iba’t-ibang istorya ng kapangyarihan mula sa bagay na di umano’y may taglay na mahika upang protektahan ang sinumang mabigyan nito. Debosyon kay Madre Dela Eucaristia naman ang isa pang siniyasat ni Vianca Sison sa kanyang paglalakbay. Milagro daw ang hatid nito sa sinumang sumampalataya. At bukod sa pagmimilagro nito, sa mga talulod ng bulaklak daw niya ipinaparating ang mensahe sa sanlibutan.